Ating Tuklasin: Mga Suliraning Kinakaharap ng Ating Katutubong Aeta

TUKLASIN NATIN!


     Sa pamumuhay ng mga Aeta dito sa Pilipinas, hindi maipagkakailang nakararanas sila ng napakaraming problema. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

1. Kahirapan


      Batay sa bidyo na napanood kanina:Kulturang Nakagisnan ng mga Aeta , makikita rito na mahirap ang pamumuhay ng mga Aeta. Ito ay sa kadahilanang makaluma ang sistema ng kanilang pamumuhay. Ang hanapbuhay nila ay umaasa lamang sa kalikasan gaya ng pangingisda. Nakadepende pa sa suwerte o pagkakaroon ng mataas na tsansa kung talaga nga bang makakahuli ng isda ang isang Aeta. Bukod dito, sila ay gumagawa ng kuwintas at pulseras na ipinagbibili sa halagang limampung piso at alkansya naman na ipinagbibili sa halagang isandaang piso, na kung tutuusin ay hindi na gaanong patok na produkto para sa mga tao ngayon dahil sa pagiging moderno ng mga bagay-bagay. 

     Ang ilan din sa mga Aeta ngayon na nakatira sa mga lalawigang malayo ay lumuluwas papuntang siyudad, tuwing buwan ng Disyembre, upang mamasko sa iba't-ibang mga Pilipino. Ito ay sa kadahilanang medyo kapos sila sa buhay. 

2. Sakuna / Kalamidad

     Ayon pa rin sa dokumentaryong napanood, silang mga Aeta ay dating naninirahan malapit sa Bulkang Pinatubo. Ngunit dahil sa trahedyang nangyari noong 1991, napilitan silang umalis sa kanilang dating tirahan kaya sila napadpad sa lungsod ng Palayan, Nueva Ecija. 
     
     Bukod pa rito, ang sakuna ay nagdulot ng pagbabago sa buhay ng mga Aeta sapagkat hindi na nila naisalba ang ilan sa kanilang mga kagamitan na mas lalong nagpahirap sa kanila sa buhay. 

3. Pagkakamkam sa kanilang lupa

    Sa kasalukuyang panahon, ang lupain ng mga Aeta ay kinakamkam sapagkat wala silang titulo o dokumento na nagsasaad ng kanilang pag-aari rito. Bunsod nito, sinasamantala ng iba ang kanilang kalagayan. 

4Ilegal na pagtotroso, pagmimina at pagkakaingin


     Dahil karamihan sa mga Aeta ay nakatira sa gubat, sa kabundukan o sa paligid nito, naaapektuhan sila ng ilegal na pagtotroso, pagmimina at pagkakaingin sapagkat nababawasan ang pinagkukunan nila ng kanilang ikinabubuhay. Dahil dito, napipilitan silang lumipat ng tirahan sa kung saan mas maunlad ang kalikasan sapagkat dito sila umaasa. 

5. Kalusugan

    Kaakibat ng kahirapan ang kalusugan. Gaya na lamang nang napanood sa dokumentaryo, mahirap makapamingwit ng isda at kumita ng pera ang mga Aeta. Dahil dito, hindi sigurado na sila ay may makakain sa buong araw. Bukod dito, hindi rin sapat ang nutrisyon na nakukuha nila mula sa mga pagkaing kinakain nila dahil sa kakulangan nito. 

6. Kawalan ng Edukasyon

     Dahil sa malayo ang kanilang tinitirhan sa kabihasnan, kung saan naroon ang paaralan, karamihan sa mga kabataang Aeta ay hindi na nakakapag-aral o nakapagtatapos ng pag-aaral. Ang ibang magulang ay minamabuting magtrabaho na lamang o tumulong sa kanila ang kanilang mga anak dahil sa hirap ng buhay.

7. Diskriminasyon


    Ang mga Aeta ay nakararanas ng iba't-ibang klase ng diskriminasyon. Isang halimbawa ay ang diskriminasyon sa kanilang lahi. Kahit gustuhin man nilang makahanap ng trabaho sa kabihasnan, may mga iilan na hindi sila tinatanggap sapagkat ang iba ay pinagbabasehan ang antas ng edukasyon ng isang tao, lengguwaheng ginagamit pati na rin ang pisikal na kaanyuan ng isang tao. 


     Hindi madali ang maging isang Aeta dahil sa mga problemang kanilang kinakaharap. Marapat lamang na lakasan ng isang Aeta ang kaniyang loob, ipagpatuloy ang pagiging masipag o matiyaga at patuloy na yakapin ang kulturang kinagisnan nila sapagkat ito ang nagpapakilala at nagbubuklod sa kanila bilang katutubo ng Pilipinas. 



 


     

Comments

Popular Posts