Ating Sagutin: Para sa Bawat Problema, May Kaakibat na Solusyon!
SAGUTIN NATIN!
Kaakibat ng salitang "problema" ang salitang "solusyon." Hindi mapaghihiwalay ang dalawang terminong ito sapagkat walang problema sa mundo ang hindi nareresolbahan.
Buhat sa Artikulo blg. 2 - Mga Suliraning Kinakaharap ng mga Aeta, may pitong problemang nailahad. Narito ang mga posibleng solusyon kabilang na ang aking pananaw ukol dito
1. Kahirapan
Marapat na bigyang pansin ng gobyerno o mga nakatataas na opisyal ang ating mga katutubo sa bansa. Turuan sila ng makabagong pangkabuhayan at bigyan ng pinasyal na tulong para sa kanilang panimulang negosyo.
Dahil magaling din sa paghahabi at paggawa ng ibang produkto ang mga Aeta, maaaring ilapit ng gobyerno ang kanilang mga produkto sa merkado.
Ayon sa dokumentaryo, ang mga Aeta ay masisipag at matitiyaga sapagkat sila ay kumukuha ng mga materyales mula sa kalikasan at ginagamit nila ito sa kanilang ikinabubuhay gaya ng paggawa ng kuwintas, pulseras at alkansya. Sila rin ay matiyagang nangingisda kahit na hindi garantisado na makakakuha nga sila ng isda.
2. Sakuna / Kalamidad
Ayon sa dokumentaryo, nailahad dito ang solusyon na ginawa ng mga Aeta pagkatapos sumabog ng Bulkang Pinatubo. Ito ay ang paglipat na lamang nila sa ibang lugar (lungsod ng Palayan, Nueva Ecija) at pagsisimula muling tumayo mula sa pagkakalugmok nila sa krisis na iyon.
3. Pagkakamkam sa kanilang lupa
Marapat na bigyan ng proteksyon ng gobyerno ang mga Aeta pagdating sa pagmamay-ari nila sa kanilang mga lupain. Hindi dapat balewalain ang karapatan nilang manirahan sa isang lupain. Iwasan din dapat ng mga tao na maging mapagsamantala.
4. Ilegal na pagtotroso, pagmimina at pagkakaingin
Dahil sa pagkakaroon ng limitadong materyales na makukuha mula sa kalikasan o lugar na tinitirhan ng mga Aeta na ginagamit nila sa kanilang hanapbuhay, sila ay lumilipat na lamang sa ibang lugar. Bukod dito, marapat muli silang bigyan ng suporta ng gobyerno sa pamamagitan ng pagpapaigting ng batas na naglilimita sa pagputol at pagkakaingin sa kabundukan pati na rin sa pagmimina upang mapreserba ang ating kalikasan.
5. Kalusugan
Dahil sa kahirapan, nagkakaroon ng kakulangan sa pagkain ang mga Aeta na nagdudulot ng hindi magandang kalusugan. Kakulangan din sa edukasyong pangkalusugan gaya ng tamang gawi upang mapanatili ang kalinisan sa katawan at kapaligiran ang dapat imulat sa kanila upang makaiwas sa mga sakit. Ilapit dapat ng gobyerno ang "Health Center" sa kanilang pamayanan upang mabigyang pansin ang kanilang kalusugan.
6. Kawalan ng edukasyon
Ito ang umuusbong na problema ng mga Aeta sa kasalukuyan. Maaaring magpadala ang gobyerno ng mga "volunteer teachers/educators" na may pasyong makapagturo lalo na sa mga kabataang katutubo. Maaari ring bigyan ng "seminars" ang mga nakatatandang Aeta tungkol sa kahalagahan ng edukasyon at ang mga matatamo nila mula rito.
7. Diskriminasyon
Pagdating sa gobyerno, maaaring gumawa ng batas ang mga opisyal na tungkol sa proteksyon para sa lahat ng mga katutubo dito sa Pilipinas mula sa diskriminasyon o panunutya sa kanila.
Marapat ding isaisip ng bawat tao na tayo ay pantay-pantay lamang na namumuhay dito sa mundo, anuman ang lahi, kulay, relihiyon, tradisyon, kultura at paniniwala ng isang tao. Ang lahat ay dapat tratuhin nang may respeto.
Comments
Post a Comment